“Iba na talaga ang panahon ngayon, wala na ba tayong pag-asang magbago?”
Natapos akong mag-internet eksaktong 22 segundo makalipas ang hatinggabi, ngayon ay Oktobre 07, 2006 na, wala na akong matutulugan dahil alas-diyes pa lamang ay nagsara na an gaming boarding house. Wala na akong ibang alam na lugar kaya sa Children’s Park ako ay nagtungo.
Limamput-limang minuto na ang nakakaraan mula ng hatinggabi. Habang ako ay nakahiga sa mahabang upuan doon, ako ay sa bilog na buwan nakatingin at kinakagat-kagat ng mga lamok; may mamang nakatingin sa akin at nagwika “Okey ka lang ba? Sa amin ka nalang matulog? nilalamig ka na at maraming lamok dito!”, parang nag-aalala. Sabi ko sa kanya, “Okey lang po ako manong. Komportable po ako dito.”
Ilang segundo ang nagdaan ay lumapit siya at umupo sa tabi ng aking kinahihigaang upuan. Sinabi niya, “Upo ka muna dito sa tabi ko. Mag-usap muna tayo. Halika! Dito ka! Bakit ka ba nandito?”. Parang may kakaiba na akong hinala sa mga pangyayari, “Okey lang po ako dito. Nasarhan po kasi ako! Dito lang po ako!”, sagot ko habang nakatingin parin sa bilog na buwan ngunit ngayon ay nakikiramdam na ng husto sa aking kapaligiran at sa mga posibleng mangyari sa susunod na mga segundo.
Nabatid ko na parang papalapit siya sa akin kaya itinuon ko ang aking paningingin sa aking tagiliran at nakita ko nga siya na nakatayo. Parang alam ko na ang sususnod na mangyayari at hindi nga ako nagkamali ng sabihin niyang , “Ako ang bahala sa iyo ! Dalawang daan , malamig ang kwarto ! Ano, payag ka? Bibigyan kita ng dalawang daan?”. Sa isip ko , “Dalawang daan lang? Ang mura naman!”. Sabi ko sa kanya, “ May pera po ako! Hindi po ako papayag!” Umalis siya ngunit pilit pa ring nangungumbinsi habang tinatahak ang daan papalayo sa aking kinaroroonan.
Nagmuni-muni ako sa naganap sa akin at sa aking pag-iisip ay naitanong ko sa sarili ko na dalawang daan lang ba ay akala nila ay nabibili na ang puri ng isang tao? Katumbas ba ito ng pera?
Ang mga tao talaga sa panahon ngayon ay halang na sa init at laman at hindi na ito maitatanggi pa. Nangyari man iyon sa akin ay nababatid ko na may gusto lamang ipahiwatag ang Panginoong Diyos sa akin “ Maraming tao ang nangangailangan ng tulong at dapat makilala siya ng lubusan sa buhay nila .
Sa ngayon ay isa lamang ang nais ko na maiwan sa inyo . alin sa dalawang daan ang iyong tatahakin? Ito ba ang daan kung saan nandodoon ang pagmamahal o ang daan na kung saan ang iyong init ang tanging tinutugunan? Saan ka dadaan? Saan ka papunta? Saan ka ba sa dalawa?